******************************
Ysobel: Malungkot ka ba ngayon…(brief pause. nakayuko. sabay titingin sa katabi.)
(Mapapalingon si Nicolai sa katabing kanina lamang ay nakatanaw sa malayo at ngayon ay nakatingin na sa kanya. malamlam ang mga mata, parang maiiyak.)
Ysobel: …dahil kasama mo ako? (babawiin na ang tingin dahil nagkatapat na ang kanilang mga mata. ibabalik ang tingin muli sa dagat.)
(Mapapabuntong-hininga si Nicolai. napapangiti pero ikinukubli nito ang dapat sana ay pasilay na guhit nang tagumpay.)
(Hahawakan ang kamay ng babaeng matagal na niyang gustong kausapin sa ganitong sitwasyon.)
Nicolai: Bakit mo naitanong?
(Napayakap sa kanyang magkasalikop na tuhod si Ysobel. wari’y nais ding isipin kung paano sasagutin ang tanong ng lalaking nais niyang marinig ang tinig sa gitna ng katahimikang iyon.)
Ysobel: wala. naisip ko lang, naging napakatahimik ng mga araw na ito.
Nicolai: (paharap kay Ysobel.) Kaya ba mas pinili mong dito tayo sa tabing-dagat mag-usap, tulad ng dati?
Ysobel: Pwede mo na bang sagutin ang tanong ko?
(Di inaalis ang tingin sa babaeng pinakamamahal niya.)
Nicolai: Kung sasabihin ko bang malungkot ako dahil ikaw ang kasama ko, ano ang gagawin mo?
(Iiwas ang tingin sa lalaking nagsusumigaw sa puso niya.)
Ysobel: Maiiyak ako.
Nicolai: Bakit?
Ysobel: Dahil mas pinili mong malungkot kasama ko imbes na maging masaya kasama ni Farissa. At ayokong ganito maramdaman mo.
Nicolai: Di ba dapat nga matuwa ka imbes na maiyak?
(Nagtatanong ang mga mata ni Ysobel sa paglingon niya muli kay Nicolai na ngayon ay di na inaalis ang tingin sa babaing nagpatibok muli ng puso niya.)
Nicolai: Ikaw, bakit ka maiiyak?
(Hindi pipiliing sagutin ang tanong, pero sa kabilang banda nais na niyang yakapin ito at sabihin na nasasaktan siya.)
Ysobel: Dahil wala na akong alam pang dapat gawin para mapasaya ka. Kalungkutan ng puso ang pinakahuling emosyon na di ko kayang gawan ng paraan.
(Hahawakan ang kamay ng babaing bumuhay muli sa kanyang pagkatao.)
Nicolai: Hindi ba dapat mas maging masaya ka kesa maiyak?
(Inulit ang tanong na muling nagpabago ng reaksyon ni Ysobel..puno ng pagtataka.)
Ysobel: Kung sinasabi mo sakin na malungkot ka dahil ako ang kasama mo, ano ang gusto mong maging reaksyon ko?
(Matatawa sana si Nicolai pero nakapag-pigil. may kilig na dulot ang naging pagtatapat na ito. hindi man direkta pero tumimo na.)
Nicolai: Bakit nga ba mas pinili kong maging malungkot na ikaw ang kasama ko? Kung iyan ang tingin mong pakiramdam ko na kasama kita ngayon, nagkakamali ka, Ysobel Alcantara. Hindi lungkot ang emosyon na naghahari sa akin ngayon kundi saya na hatid ng presensya mo.
(Napayuko si Ysobel sa narinig. Ni minsan, di pa nagsalita ng ganito si Nicolai sa kanya…ngayon lang)
*****
Tanda niya pa. Limang taon na silang magkakilala. Ibang-iba si Nicolai ng mga panahon na iyon. masayahin, puno ng pag-asa, dahil kay Farissa. Siya, na kaibigan ni Nicolai, si Ysobel Alcantara, ay naging tagapakinig nito.
Ibang-iba nga talaga si Nicolai. hindi natinag sa kawalang-pag-asa kay Farissa. tuloy pa din. matatag at mapagmahal pa rin.
Sa paglipas ng panahon, naging bahagi ng buhay nila ang isa’t isa. Bigo man sa nakalipas na relasyon, tuloy pa rin si Ysobel sa paghanap sa lalaking hangad niyang mahalin siya.
Nagbago ang ihip ng hangin. May kakaibang pakitungo sa kanya si Nicolai na hindi nalingid sa kanya. pero nanatiling tahimik dahil si Farissa pa rin ang nilalaman ng puso niya. at si Ysobel, nabubuhay na lang sa pag-asa na makikilala niya rin ang nararapat sa kanya.
Nagkalayo sila ng tatlong taon. nagfocus sa larangan na kanilang pinagsumikapan na maabot. nagkaroon ng karelasyon sa panahong iyon. naputol man ang komunikasyon, nanatili pa rin nga yata sa kanila ang kakaibang pagtitinginan na pilit lang nilang iniinda…
at ngayon nga…binabalikan ni Ysobel ang mga pangyayari sa buhay niya at ni Nicolai, walong taon na ang nakalilipas.
at ngayon nga…heto siya, at katabi ang lalaking di niya malaman kung may dapat nga bang sabihin o aminin sa kanya…at siya — na nagugulumihanan pa sa isang emosyon na di na dapat bago sa kanya — kung may dapat nga ba siyang ika-iyak sa katahimikang bumabalot sa puso niya ng walong taon.
*****
(Malamig na ang simoy ng hangin sa tabing-dagat, ngunit mainit pa rin ang pisngi ni Ysobel sa sinabing iyon ni Nicolai. Tahimik lamang ang dalaga habang nakikinig sa matamis na awitin dulot ng hangin na sinabayan ng pag-indak ng mga alon sa dagat.)
Nicolai: Ikinagulat mo ba ang sinabi ko kaya hindi ka makaimik ngayon, Ysobel?
(Muli, napatingin kay Nicolai na noo’y di pa rin inaalis ang tingin sa kanya. Wari ba’y nais na tignan bawat detalye ng kanyang mukha at ng reakyon nito. Lalo siyang pinamulahan ng mukha ng hawakan na nito ang mga kamay niya. Noon din, napako na ng tuluyan ang mata niya sa mata ni Nicolai. at doon, naramdaman niya na tama nang sabihin ang mga dapat sabihin noon pa.)
Nicolai: Masaya ako na ikaw ang kasama ko ngayon, Ysobel. Walang araw na lumipas sa loob ng tatlong taon na hindi ikaw ang iniisip ko…
(Pipilitin ni Ysobel na magsalita pero napigilan siya ng mga daliri ni Nicolai.)
Nicolai: Hayaan mong, ngayon, ako naman ang magsalita.
Hindi ko nakakalimutan na ikaw ang tumayong kahati ng buhay ko limang taon na ang nakalipas bago tayo maghiwalay ng landas ng tatlong taon.
Ikaw na kahit di ngumingiti ay may matang nagniningning pa rin. Ikaw na sa tuwing umuulan, at nilalamig, ay nagmamatigas pa rin na matapang at matatag ang katawan kahit na walang jacket na suot. Ikaw na sa harap ng pagkain ay di maipagkakailang ubod ng takaw. Ikaw na sa panahon ng saya, nakatawa; sa panahon ng lungkot, nakisisimpatya; sa panahon ng pagluha, mas malakas pa sakin umiyak. Pero ikaw, na sa gitna ng problema, nananatiling nakatayo.
Hindi ka nagbago walong taon man ang nagdaan na. Di ka nakalimot at tinuring mo pa rin akong bahagi ng buhay mo at higit pa. Ramdam ko, Ysobel, may puwang ako sa puso mo. Pero di ko ginusto na suungin iyon, dahil natatakot akong mabigo sa’yo. Sa’yo, takot akong makasakit…at makasakit. Takot akong mag-assume kung ang nararamdaman ko nga bang puwang sa puso mo ay totoo. Kung ang nararamdaman ko nga ba sa’yo ngayon at maging noon ay mapapansin mo.
Noon, takot akong sumugal. Pero ngayon, hindi na. Ngayon, higit kailanman, hindi na ako magkakamaling pakawalan pa ang babaing matagal nang sinisigaw ng puso ko; hindi na ako papayag pa na hindi ako makapagtapat sa’yo; hindi na ako matatakot pang mabigo…dahil mas importante sakin na hindi na magtago pa sa nararamdamang ito, kundi ang ipagtapat na sa’yo, Ysobel Alcantara, na ikaw lang simula noon, at ikaw pa rin ang isisigaw ng puso ko kailanman…
Itinatanong mo sakin kung malungkot ba ako dahil ikaw ang kasama ko? ikamamatay ko kung hindi ikaw ang nasa tabi ko sa mga oras na ito.
(Doon na pumatak ang luha na kanina pa pinipigilan ni Ysobel, simula pa lang na hawakan ni Nicolai ang kanyang mga kamay.)
Ysobel: Ang tagal kong hinintay ang mga sandaling ito, Nico…walong taon na hindi ko alam saan ko makikita ang taong pinaghandaan kong makilala. at nasa harap ko na nga pala.
Natakot din ako. Nagpatumpik-tumpik. Nanaig ang kahinahunan at ang katotohanang itinakda tayo upang maging magkaibigan. Nalaman ko na higit pa doon ang nararamdaman ko ng umalis ka ng bansa. Doon ko nasiyasat ng mabuti ang puso ko…at hinahanap ko na pala si Nicolai Astudio.
Di ko alam kung ano ang paniniwalaan ko. Alam kong minahal mo si Farissa, or mahal mo pa rin siya. Kaya siguro dumating pa sa punto na abutin tayo ng ganito. After three long years, saka lang pala natin malalaman ang laman ng puso ng bawat isa.
Masisisi mo ba ako kung itinanong ko sa’yo kung malungkot ka dahil kasama mo ako, gayong alam ko naman na si Farissa lang ang makakapagpasaya sa’yo? At totoong maiiyak ako na mas pinili mo ang kalungkutan na katabi mo ako kaysa ang maging masaya kapiling ng babaing mahal mo talaga. Puno ako ng agam-agam, Nicolai…kaya ganun ang tanong ko. Kung maririnig ko lang sana sa’yo…
(Pinutol ni Nicolai ang pananalita ni Ysobel ng isang makapangyarihang kataga..na ikinagulat ng huli.)
Nicolai: Mahal kita, Ysobel.
(Doon na bumuhos ang luha ni Ysobel. Doon, naramdaman na niya ang pagyakap ni Nicolai sa kanya. Doon, naramdaman niya ang dampi nito sa kanyang mga labi. Doon, nahanap niya ang lalaking mamahalin niya at magmamahal sa kanya.)
Papalubog na ang araw sa papawirin, ngunit di nawawala ang liwanag na dulot ng dalawang aninong kanina lang ay animo’y di magkakilala.
*******END*******